Nakumpiska ng Bureau of Customs Intelligence Group-Customs Intelligence and Investigation Service ng Manila International Container Port ang libu-libong sako ng imported na bigas sa sinalakay na siyam na warehouse sa Balagtas Bulacan.
Ang ginawang pagsalakay ay bilang pagtalima sa kautusan ni Pang. Bongbong Marcos Jr na sugpuin ang smuggling lalo na sa mga produktong agrikultura.
Naging katuwang ng BOC ang mga tauhan Philippine Coast Guard at Department of Agriculture.
Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service Chief Alvin Enciso, pinalabas umanong lokal na bigas ang mga nakumpiska pero ang totoo ay mga smuggled rice ang mga ito.
Wala rin daw naipakita na mga import permits ang mga may-ari ng warehouse at inihalo pa sa mga local rice upang palabasin na ito ay hindi imported.
Pero kapag dinala na sa merkado ay ibinebenta na ng mahal kung saan na bili nila ito sa murang halaga.
Agad isasailalim sa pagsusuri ang mga nakumpiska na bigas at kung maaaring kainin ay ibibigay ito sa Department of Social Welfare and Development o kaya naman ay sa National Food Authority upang ibenta ng mura.
Kakasuhan din ng BOC ng paglabag sa Tariff and Customs Act ang mga may-ari ng nakumpiska na mga bigas. | ulat ni Michale Rogas