Binigyang diin ni Senate President Chiz Escudero na pwedeng ang Office of the President (OP) na lang ang magdagdag sa ano mang item sa panukalang 2025 national budget, at hindi na ito kailangang ibalik pa sa Bicameral Conference Committee.
Paliwanag ni Escudero, pwedeng hugutin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang idadagdag na budget mula sa savings o sa mga pondong hindi nagamit.
Binigay na halimbawa ng senate president ang ilang savings o unspent items ng Department of Education (DepEd) kabilang na dito ang mga hindi nagamit na pondo sa computerization program ng ahensya.
Aniya, nasa P10 billion ang hindi nagamit ng DepEd mula sa P13 billion na pondo nito noong 2022; P10.2 billion ang hindi nagamit sa P20.4 billion noong 2023; at P15.9 billion ang hindi nagamit mula sa P18 billion pesos na inilaan sa ilalim ng 2024 budget.
Iginiit ni Escudero, na maraming pwedeng paghugutan ng pondo para madagdagan ang pondo ng DepEd.
Una nang nangako si Pangulong Marcos, na ibabalik ang P10 billion na natapyas sa budget ng DepEd sa ilalim ng 2025 budget bill, pero hindi sa pamamagitan ng line item veto. | ulat ni Nimfa Asuncion