Pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi ng pamasko sa mga batang pasyente at kanilang pamilya na naka-confine sa Philippine Children’s Medical Center.
Kasama ni Speaker Romualdez sa ‘Paskong Tarabangan Events’ sina Tingog Rep. Yedda Marie Romualdez at Ako Bicol Rep. Elizaldy Co.
Ayon kay Rep. Yedda, bilang isang ina, napakahirap makita ang mga anak na may sakit.
Kaya’t umaasa siya na sa kanilang pagdalaw ay maibsan ang kanilang pinagdaraanan.
“Kaya sana po sa munting pagsasalo natin at magkasama tayo dito, sana po maibsan namin ang mga pinagdaraanan ng ating mga anak at ang dasal ko lang po sana ay gumaling, get well soon, at gumaling na po sila,” sabi ni kongresista.
Nangako naman si Co na mag-donate ng TV para hindi naman ma-bore ang mga bata sa kanilang mga kwarto.
Magbibigay din aniya siya ng solar panels para makatulong na mapababa ang gastos sa kuryente.
130 na kabataan ang nabigyang pamasko na sinundan ng “People’s Day” kung saan namahagi ng guarantee letters para sa kanilang medical assistance, kaya naman zero billing ang mga pasyente.
“Hindi sila nag-iisa sa kanilang laban. Handog po namin ang isang masayang Christmas party para sa mga bata. Bukod sa regalong handog, ang totooong rason kaya narito po kami ay upang tumulong at magbigay ng makabuluhang suporta hindi lamang sa masayang selebrasyon ngayong araw kundi pati na rin sa pamamagitan ng medical assistance na aming inilaan para sa kanila,” saad ni Co.
Pinasalamatan naman ni Speaker Romualdez si Rep. Co na siya aniyang nakaisip na magkaroon ng Christmas party para sa mga batang pasyente.
Malaking bagay anang House leader ang salo-salo na ito dahil ang Pasko aniya ay simbolo ng pag-asa.
“At sa ngayong araw na ito, mag-announce ako, lahat po kayo, zero billing. Okay? So ‘yan ang Merry Christmas natin po sa iyo. So walang bayad,” anunsyo ni Romualdez.
Ipinarating din ni Romualdez na iniisip ng gobyerno ang bawat mamamayan lalo na ang mga may sakit.
“Napakasarap isabuhay ng mga katagang ‘ang Pasko ay para sa mga bata’ dahil nakikita mo ang kanilang tunay na galak at tuwa sa mga pagtitipong katulad nito. Bukod sa paghahanda ng isang pagdiriwang para sa mga bata at kanilang pamilya, mag-aabot din tayo ng tulong pinansyal sa mga naka-confine dito sa PCMC at dadalaw din tayo sa children’s ward para mamigay ng regalo. Iparamdam natin ang Pasko dito sa PCMC,” anang House Speaker. | ulat ni Kathleen Forbes