Mula pagkain, ay kuryente naman ang sunod na tututukan ng super committee ng Kamara o yung Quinta Committee.
Ayon kay Albay Representative Joey Salceda, hahanapan na rin nila ng solusyon ang napakataas na presyo ng kuryente.
Matatandaan na una nang sinabi ni Speaker Martin Romualdez na sa susunod na taon ay sisilipin na rin ng Kamara kung paano mapababa ang singil ng utilities sector.
“The Speaker, Speaker Ferdinand Martin Romualdez, has issued instructions to go after price excesses in the power sector next. So, we will soon convene a Murang Kuryente Supercommittee. The panel will be taking up issues that have already a clear way forward,” ani Salceda.
Sinabi ng mambabatas na isa sa mga magiging sentro ay ang ₱206-billion na sobrang singil ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) batay na rin sa natuklasan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ginamit umano ito sa public relations, advertising, at iba pang gastusin mula 2016-2020.
“In the distribution sector, when utilities collect in excess of allowed revenues, they usually refund the excess collections without much issue. The transmission sector, a national monopoly, should have no issue doing the same,” paliwanag ni Salceda.
Pinaaaral na rin aniya ng House Speaker ang windfall taxes sa sobrang kita ng power sector participants at kung paano ito maaaring pagkunan ng pondo para sa Pantawid Kuryente Program. | ulat ni Kathleen Jean Forbes