Itinutulak ngayon ni Albay Rep. Joey Salceda na ideklara ang taong 2024 hanggang 2030 bilang disaster and climate emergency years.
Sa kaniyang House Resolution 2105, ipinunto ng mambabatas na marami nang bansa ang nagdeklara ng Disaster and Climate Emergencies dahil sa tumataas na temperatura na nauuwi sa environmental degradation, kalamidad, weather extremes, new normal, food at water insecurity, economic disruption, at iba pa.
Tinukoy pa ng mambabatas ang 2024 World Risk Report kung saan nangunguna pa rin ang Pilipinas sa mga bansa na may pinakamataas na disaster risk sa buong mundo.
Katunayan naramdaman aniya kamakailan ng Pilipinas ang tinatawag na Parade of Tropical Cyclones o “train of typhoons”.
Bagay na nagpapahirap sa mga tinamaang komunidad na makabangon agad.
“WHEREAS, the onslaught of Severe Tropical Storms (STS) Kristine and Leon from October 21 to November 1, 2024 are stark reminders once more of the need for urgent national and local action, with the said Severe Tropical Storms resulting into a combined reported figures of 162 deaths, 137 injured, 22 missing with PhP 10.56 billion damage to infrastructure, PhP 7.04 billion damage to agriculture, affecting 9.6 million persons in at least 79 provinces, necessitating the declaration of a state of calamity for 256 cities and municipalities in all 17 regions of the Philippines” saad sa resolusyon.
Kasama sa panawagan ni Salceda ang paglalabas ng Presidential proclamation para ideklara ang 2024 hanggang 2030 bilang Disaster and Climate Emergency years at atasan ang lahat ng national government agencies, local government units, GOCCs, government financial at insurance institutions pati SUCs na tugunan ang disaster at climate crisis sa pamamagitan ng build forward better faster approach.
Hinihikayat din na bumuo at magpasa ng mga lehislasyon para tugunan ang disaster and climate emergency, kasama na ang pagpapabilis sa recovery and rehabilitation efforts, pagtatatag ng Department of Disaster Resilience bill at iba pa na may kinalaman sa pagtugon sa climate change.
Nauna nang ipinanukala ni Salceda sa Kongreso na ideklara ang 2020 bilang “Disaster and Climate Emergency Awareness Year” sa pamamagitan ng House Resolution 535 na inihain niya sa Kamara noon pang November 2019. | ulat ni Kathleen Forbes