Unang Misa de Gallo sa Sto. Domingo Church sa Quezon City, dinagsa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Maagang gumising ang maraming mananampalataya ng National Shrine of Our Lady of the Rosary, La Naval de Manila o mas kilala ring Sto. Domingo Church para dumalo sa unang araw ng Misa de Gallo.

Ang selebrasyon ng misang ito ay bahagi ng tradisyon sa Pasko ng maraming Pilipino na sumisimbulo sa paghahanda sa araw ng kapanganakan ni Hesukristo.

Sa Sto. Domingo Church, pinangunahan ni Fr. Stephen Baesa ang unang Misa de Gallo na nagsimula kaninang alas-5 ng madaling araw.

Mabilis na napuno ang higit 2,000 seating capacity sa loob ng simbahan kaya marami pa ang nakinig ng misa sa labas.

Sa kanya namang sermon, inihayag ni Fr. Baesa na bukod sa paggising ng umaga, mahalagang ihanda rin ang sarili, magbigay, at magsilbing liwanag sa isa’t isa ngayong Kapaskuhan.

Umaasa rin ito na alalahanin ng bawat isa ang tunay na kahulugan ng Pasko.

Samantala, mahigpit naman ang naging seguridad sa paligid ng simbahan na bantay sarado ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), QC Dept of Public Order and Safety, QC Transport and Traffic management, at ng mga tauhan ng barangay.

Ayon sa QCPD, nasa higit 200 pulis, at 264 force multipliers ang ide-deploy para sa panahon ng Simbang Gabi. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us