Kinumpirma ng US 7th Fleet na nagsagawa ito ng Freedom of Navigation Operation (FONOP) sa katubigang malapit sa Spratly Islands sa South China Sea kahapon, Disyembre 6, sa pamamagitan ng paglalayag ng USS Preble, isang US destroyer ship.
Layunin ng nasabing operasyon na ipakita ang karapatang maglayag sa South China Sea sa ilalim ng international law, sa kabila ng mga sinasabing eksklusibong maritime claim ng China, Vietnam, at Taiwan.
Tinukoy ng Estados Unidos na labag sa batas ng karagatan ang hinihinging abiso o pahintulot ng tatlong bansa bago dumaan ang mga barkong pandigma sa kanilang territorial sea. Sa pamamagitan ng operasyon, hinamon ng USS Preble ang naturang mga limitasyon, na itinuturing ng Amerika na banta sa kalayaan ng paglalayag, kalakalan, at seguridad ng rehiyon.
Patuloy namang ipagtatanggol ng Estados Unidos ang kalayaan sa paglalayag sang-ayon sa mga itinakda ng international law tulad ng nakasaad sa 1982 Law of the Sea Convention. | ulat ni EJ Lazaro