Mabibili na sa ADC Kadiwa Store sa tabi ng tanggapan ng Department of Agriculture sa Elliptical Road, Quezon City ang ₱38 kada kilong Rice-for-All.
Ito ang dating ibinebentang ₱40 kada kilo na 25% broken rice variety.
Nakapwesto sa labas ng Kadiwa Store ang murang bigas kabilang ang RFA5, na mayroong 5% broken grains sa presyong ₱45 kada kilo.

Nagbukas kaninang alas-7 ng umaga ang bentahan sa Rice-for-All na agad tinangkilik ng mga mamimili.
Kaya naman, wala pang alas-10 ng umaga, nasa higit 10 sako na ang nauubos at nabebenta.
Good news din para sa mga mamimili na gaya ni Alex at Teresita ang pagbubukas ng Kadiwa ng Pangulo Rice-for-All sa ADC.

Ayon sa kanila, kung masarap ang murang bigas, magiging suki na sila ng bentahan nito.
Bukod naman sa bigas, nananatiling available din sa ADC Kadiwa Store ang mga gulay na mas mura kumpara sa palengke. | ulat ni Merry Ann Bastasa
