Umabot sa mahigit 100,000 mga deboto ang dumagsa kahapon sa Quezon Boulevard sa Quiapo Church para dumalo sa pagbabasbas ng mga replika ng Itim na Nazareno.
Ala-1:30 ng hapon nang simulan ang misa na sinundan ng pagbabasbas.
Mismong si Papal Nuncio Charles Brown ang nanguna sa pagbabasbas kung saan ginamit nila ang foot bridge ng Quezon Boulevard upang mabasbasan ang mga replika.
Umabot ng mahigit 1,100 na mga replika ang ipinarada sa naturang kalsada upang mabasbasan ng holy water.
Nagpakalat ng 500 pulis ang Manila Police District upang masiguro na magiging maayos ang isinagawang pagbabasbas kung saan isinara pa sa mga motorista ang naturang kalsada. | ulat ni Mike Rogas