Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang 32 dayuhang nagtatrabaho sa sinasabing iligal na POGO operations sa Parañaque City.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., naaktuhang gumagawa ng online gaming at scamming operations ang mga suspek sa isang gusali sa Aseana enclave noong gabi ng Enero 17.
Kasama ang koordinasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa naturang operasyon, dito naaresto ang 20 Chinese, 11 Malaysians, at isang Cambodian.

Pinasalamatan naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matagumpay na operasyon, at iginiit na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa iligal na POGO.
Aniya, hindi sila titigil hanggang ang lahat ng iligal na dayuhan ay mahuli at ma-deport, sang-ayon na rin sa ban na utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Mananatili sa kustodiya ng NBI ang mga suspek habang sumasailalim sa deportation proceedings.
Asahan din, ayon sa BI, ang mas marami pang pag-aresto kasunod ng nationwide ban sa POGO operations. | ulat ni EJ Lazaro
