Pursigido ang National Electrification Administration (NEA) na maabot ang target na 94% energization rate sa mga remote households sa bansa ngayong 2025.
Ayon kay NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, positibo siyang makakamit ang target na ito kung saan mananatiling prayoridad ang mga lalawigan sa Mindanao.
Sa ilalim ng naaprubahang 2025 budget, aabot sa ₱1.627-billion ang nakalaang government subsidy sa NEA para sa 22,000 households. Bukod pa ito sa ₱200-milyong pondo sa Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF).
May nakalaan din aniyang ₱2-bilyong pondo para sa ongoing Photovoltaic Mainstreaming (PVM), Sitio Electrification and Barangay Line Enhancement Programs (SEP/BLEP) ng NEA.
Umaasa naman si Administrator Almeda na maabot ang 100% electrification goal sa taong 2028. | ulat ni Merry Ann Bastasa