Nagpaabot ng pasasalamat ang ABS-CBN corporation sa naging hakbang ni Albay Representative Joey Salceda na magawaran muli ang broadcast network ng prangkisa.
Sa isang statement, sinabi ng ABS-CBN, na bagamat wala silang ideya sa paghahain ng mambabatas ng panukalang batas para sa bagong prangkisa ay malaking bagay ang ipinakita niyang tiwala sa kontribusyin ng kumpanya.
Nagpasalamat din ang media network sa ilan pang mambabatas na nauna nang naghain ng kaparehong panukala.
“We would also like to express our sincerest thanks to Reps. Gabriel Bordado Jr., Arlene Brosas, France Castro, Raoul Manuel, Johnny Pimentel, and Rufus Rodriguez, who have previously filed similar bills,” sabi pa sa opisyal na pahayag.
Sa ilalim ng House Bill 11252 ni Salceda, itinutulak na gawaran ng 25-year franchise ang ABS-CBN.
Hulyo 2020 nang ibasura ng House Committee on Legislative Franchises ang panukala para sa franchise renewal ng naturang TV network. | ulat ni Kathleen Forbes