Nakatutok pa rin ang PHIVOLCS sa aktibidad ng Mt. Kanlaon sa Negros at gayundin sa Bulkang Taal sa Batangas.
Ito ay dahil sa nananatiling mataas na alerto sa Bulkang Kanlaon at minor phreatomagmatic eruption na na-monitor naman sa Taal Volcano kagabi.
Batay sa update ng PHIVOLCS, umabot sa 37 volcanic earthquake o pagyanig ang naitala sa bulkan sa nakalipas na 24-oras.
Nagpapatuloy rin ang makapal at walang patid na pagsingaw sa bulkan na umabot ng 1,400 metro ang taas.
Samantala, bukod naman sa minor phreatomagmatic eruption sa Taal Volcano na tumagal ng tatlong minuto, pitong volcanic earthquakes din ang naitala sa bulkan kabilang ang limang volcanic tremors na tumagal ng apat hanggang 15 minuto.
Nasa 4,188 tonelada rin ang ibinugang Sulfur Dioxide o asupre ng bulkan.
Sa ngayon, nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon habang Alert Level 1 naman ang Bulkang Taal. | ulat ni Merry Ann Bastasa