Sa pamamagitan ng viva voce voting ay pinagtibay ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukala na bawasan ang idinaragdag na buwis sa tobacco products.
Sa ilalim ng House Bill 11360, tuwing even numbered year simula January 1, 2026 ay magpapataw ng 2% na dagdag sa tobacco tax rate habang 5% naman tuwing odd numbered year simula sa 2027.
Inaasahang kikita dito ang gobyerno ng P66 bilyon mula 2026 hanggang 2030.
Kailangan umano i-recalibrate ang ipinapataw na dagdag na buwis sa tobacco products dahil sa tila mas dumami pa ang mga naninigarilyo sa bansa.
Batay sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (NFRI), ang bilang naman umano ng naninigarilyo ay tumaas sa 23.3% noong 2023 mula sa 18.5% noong 2021.
Pero ang kita ng gobyerno ay bumaba sa P135 billion nitong 2023, mula sa P160 billion noong 2022, at P176 billion noong 2021.
Matapos naman ang December 31, 2035, rerepasuhin ang ipinapataw na excise tax sa tobacco products para malaman kung kakailanganin baguhin muli. | ulat ni Kathleen Forbes