Mabibili na ang mas mura pang bigas sa Murphy Market sa Quezon City.
Sinimulan na kasi ng Department of Agriculture (DA) ang pagbebenta ng Sulit Rice, na bukod pa sa P40 kada kilong Rice for All sa Kadiwa ng Pangulo kiosk sa naturang palengke.
Nagkakahalaga lang ng P36 ang kada kilo ng Sulit Rice na “100% broken” ang butil ng bigas pero maganda naman ang kalidad.
Ngayong araw, sinilip nina Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr, at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque ang bentahan ng Kadiwa rice sa naturang palengke. Tinikman din ng dalawang opisyal ang bagong saing na sulit rice na aprub at pasado naman sa kanila.
Naabutan din ng mga opisyal ang mamimili na si Nanay Maricar na matagal na raw nais matyempuhan ang murang bigas na alok ng DA.
Ayon sa kanya, walang problema kung 100% broken man ang Sulit rice dahil kung magandang klase naman ay masarap pa rin ito kung isaing.
Sa ngayon, may tatlong Kadiwa ng Pangulo kiosk na ang nagbebenta na ng Sulit Rice kabilang ang FTI sa Taguig at isang istasyon ng LRT.
Umaasa naman si Sec. Tiu-Laurel na tatangkilikin ng mas maraming mamimili ang sulit rice, at makatulong ito para mahatak pababa ang presyo ng bigas sa merkado. | ulat ni Merry Ann Bastasa