Patuloy na binabantayan ng BRP Cabra ang baybayin ng Zambales laban sa mga barko ng China Coast Guard (CCG) na iligal na nananatili sa katubigang sakop ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, napaatras ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga barko ng CCG sa layong 90 hanggang 95 nautical miles mula sa pampang. Ayon sa PCG, ipinapakita umano nito ang ng kahusayan at katapangan ng mga tauhan ng BRP Cabra na nagsasagawa ng regular na radio challenges upang igiit na ang presensiya ng CCG ay lumalabag sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at 2016 Arbitral Award.
Kahapon ng hapon, pinalitan naman ng CCG-3103 ang CCG-3304 para ipagpatuloy ang ilegal na pagpapatrolya sa lugar, kasama ang tinaguriang “Chinese monster ship,” CCG-5901.
Sa unang pagkakataon, gumamit ang CCG-3103 ng Long Range Acoustic Device (LRAD) upang guluhin ang operasyon ng PCG. Ayon sa mga tauhan ng PCG, ang LRAD ay gumagawa ng ingay na nakasasakit at maaaring makasira ng pandinig.
Sa kabila ng pananakot at presensiya ng mga barkong Tsino, sinabi ng PCG na nananatiling matatag ang BRP Cabra sa kanilang misyon na protektahan ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Naninindigan din ang Coast Guard sa kanilang mandato habang iniiwasan ang anumang insidente ng paglala ng tensyon. | ulat ni EJ Lazaro