Inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang isang website na nagbibigay impormasyon ukol sa kauna-unahang polymer banknote series ng bansa na ipinakilala nito sa publiko at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kamakailan lamang.
Ayon sa BSP, layunin nitong magbigay ng detalyadong impormasyon tungkol sa bagong polymer banknotes na unang nakita ng publiko sa pamamagitan ng paglabas nito ng P1,000 bill noong 2022.
Sa pamamagitan ng website ng BSP, maaaring matuklasan ng mga bibisita ang mga tampok na security features ng polymer banknote, tulad ng mga anti-counterfeiting features nito. Mayroon ding impormasyon tungkol sa tamang paghawak ng polymer bills para mapanatili ang kalidad ng bagong pera.
Bukod dito, ipinaliliwanag din ng BSP ang mga benepisyo ng polymer banknotes, kabilang ang mas mahabang buhay nito, mas mababang gastos sa produksyon, at pagiging eco-friendly kumpara sa tradisyunal na papel na salapi.
Inaanyayahan ng BSP ang publiko na bisitahin ang website na makikita sa official Facebook page nito upang mas maunawaan ang inobasyong hatid ng bagong polymer banknotes. | ulat ni EJ Lazaro