Nais paimbestigahan ng Bureau of Corrections sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang insidente ng pananaksak na nangyari sa loob ng New Bilibid Prison nitong January 2 ng umaga na nagresulta sa pagkamatay ng isang PDL at pagkasugat ng dalawang iba pa.
Sa hiwalay na sulat na pirmado ni BuCor OIC, Asec. Al Perreras na naka-address kina NBI Director, Jaime Santiago at PNP Chief, P/Gen. Rommel F. Marbil, nais ng BuCor magsagawa ang dalawang nabanggit na ahensya ng sarili nitong mga imbestigasyon para malaman ang totoong detalye at ipakita ang transparency ng BuCor.
Layon din nito na malaman ang pananagutan sa pagkamatay ng PDL na si Ricardo Peralta at pagkasugat nina PDL Reginal Lacuerta at PDL Bert Cupada.
Kasabay nito ay inatasan din ni Perreras si C/Supt. Roger Boncales, acting superintendent ng NBP na magsumite ng komprehensibong incident report sa naturang insidente at makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon ng NBI at PNP. | ulat ni Lorenz Tanjoco