Pinasisiguro ng isang kongresista na tatalima ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) sa marching orders ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mahigpit na ipatupad ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Giit niya malinaw ang atas ng presidente na palakasin ang paghabol sa mga smuggler na siyang dahilan ng pagtaas sa presyo ng agricultural products sa merkado.
“The president’s marching orders are clear—strengthen action against smugglers who disrupt the supply chain and cause spikes in the prices of agricultural products in the local market,” ani Tiangco.
Sabi pa ng kinatawan, binigyang prayoridad nila ang pagpapatibay sa naturang batas para mabigyang kapangyarihan ang mga kinauukulang ahensya na umaksyon at protektahan ang mga magsasaka at mangingisda.
Gayundin ay matiyak na abot kaya ang presyo ng pagkain para sa bawat Pilipino.
Salig sa bagong batas na ito, ang hoarding, profiteering at cartelizing ay ituturing na ring economic sabotage na may parusang habang buhay na pagkakakulong at multa na katumbas ng limang beses ng halaga ng agri product na sangkot. | ulat ni Kathleen Forbes