Ipinamalas ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang kalinga ng isang ina sa business owners na nagagahol sa oras para mag-renew ng kanilang mga business permit.
Naglabas kasi ng direktiba si Calixto-Rubiano ng City Ordinance No. 6405 s. 2025, kung saan inaatasan nitong magkaroon ng extension ang business permit renewal mula Enero 21 hanggang 25, 2025 nang walang karagdagang multa, interes o surcharge.
Dahil dito ay maaari pa ring magtungo sa Double Dragon Plaza ang mga nais mag-renew ng kani-kanilang business permit mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ayon sa Pasay Local Government, layon nito na magkaroon ng magaan at maayos na pagnenegosyo sa lungsod lalo’t higit yaong mga dumaranas ng suliraning pinansyal.
Para sa karagdagang impormasyon maaaring bisitahin ang Business Permits & Licensing Office-Pasay City Facebook page o makipag-uganayan sa kanilang tanggapan gamit ang Pasay City Trunkline, 888-PASAY (72729) loc. 1246. | ulat ni Lorenz Tanjoco