Malugod na tinanggap ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas ang anunsyo ng matagal nang hinihintay na kasunduan ng tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas, pati na rin ang pagpapalaya sa mga bihag sa Gaza.
Nanawagan din ang DFA sa lahat ng panig na sundin ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng pandaigdigang batas, lalo na ang pagbibigay-proteksyon sa mga sibilyan, partikular na sa mga kababaihan at bata, at ang pagpapadali ng humanitarian assistance para sa mga nangangailangan.
Pinagtibay naman ng DFA ang kanilang matibay na paninindigan sa two-state solution na naglalayong tugunan ang karapatan at pangangailangan ng parehong Palestinian at Israeli civilians, sa layuning makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Ang nasabing kasunduan ay inaasahang magsisimula ngayong araw ng Linggo, na posibleng magtapos sa 15 buwang digmaan sa Gaza na umabot pa sa iba pang bahagi ng Gitnang Silangan. | ulat ni EJ Lazaro