Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang presensya ng Chinese Coast Guard vessel 5901 na nasa 54 nautical miles ang layo mula sa Capones Island sa Zambales.
Ayon sa PCG, natukoy ang barko gamit ang Dark Vessel Detection (DVD) system ng Canada kaya’t agad ipinadala ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang BRP Cabra (MRRV-4409), kasama ang isang PCG Helicopter at PCG Caravan, upang beripikahin ang insidente at ipakita ang presensya ng Pilipinas sa lugar.
Bandang alas-singko ng hapon kahapon, Enero 4, nakumpirma ng BRP Cabra at PCG Caravan na naroon nga ang Chinese vessel sa nasabing lugar.
Patuloy na hinamon ng PCG ang presensya ng barko ng China at iginiit na ito ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, alinsunod sa Philippine Maritime Zones Law at UNCLOS.
Bandang alas-otso ng gabi, patuloy na binabantayan ng BRP Cabra ang paggalaw ng Chinese vessel na papunta na sa kanluran, 85 nautical miles mula sa Zambales.
Ayon sa PCG, patuloy nilang babantayan ang nasabing barko upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa loob ng EEZ ng bansa.
Paunang iniulat ni security analyst Ray Powell ang presensya ng tinatawag nitong “The Monster” dahil sa limang beses umanong mas malaki ito kumpara sa dalawang pinakamalalaking sasakyang pandagat ng Cost Guard.| ulat ni EJ Lazaro