Pinasalamatan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang rice millers, importers at Philippine National Police (PNP) sa kanilang suporta para maibigay ang mas abot-kayang presyo ng bigas sa mga consumer.
Sa kanyang pakikipagpulong sa rice importers, pinuri ng kalihim ang rice millers at importers sa kanilang aktibong papel sa pagsuporta sa KADIWA ng Pangulo Rice-for-All rolling stores sa mga palengke sa Metro Manila.
Ang mga KADIWA ng Pangulo Rice-for-All rolling stores ay nagbebenta ng well-milled
rice sa abot kayang presyo na P40 at P45 per kilo.
Bilang karagdagan sa KADIWA rolling stores at kiosks, may mga KADIWA center din sa NCR at Bulacan ang gumagana rin.
Regular na nagbibigay ang mga ito ng basic necessities and prime commodities, Rice-for-All at P29 na bigas para sa mga mahihirap na sektor.
Ipinaabot din ng kalihim ang kanyang pasasalamat sa PNP sa pagtiyak sa seguridad at maayos na operasyon ng mga KADIWA ng Pangulo.
Bilang bahagi ng pagsisikap na maibaba ang presyo ng bigas, hinimok ng DA Chief ang mga importer na maglaan ng bahagi ng kanilang imports ng bigas ng 25% broken grain content. | ulat ni Rey Ferrer