Matapos ang Bagong Taon, nakatutok na ngayon ang pwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno.
Ayon sa NCRPO, bunsod ng inaasahang pagdagsa mg milyong deboto ng Itim na Nazareno ay naglatag na sila ng tauhan na magtitiyak na ligtas ang nasabing kaganapan.
Paliwanag ng NCRPO na nasa kabuuang 12,168 na tauhan ang naka-deploy sa iba’t ibang mga lugar.
Daragdagan pa anila ito ng mahigit dalawang libong tauhan mula naman sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan dahilan kaya papalo ang kabuuang pwersa ng gobyerno sa Pista ng Nazareno sa 14,474.
Ang maagang deployment plan para sa nasabing pista ay patunay anila sa pangako ng NCRPO na mapanatili ang ligtas at maayos na seguridad sa mga malalaking aktibidad sa Kalakhang Maynila. | ulat ni Lorenz Tanjoco