DHSUD, target na makapaghatid ng mas maraming 4PH units ngayong 2025

Facebook
Twitter
LinkedIn

Positibo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na mas maraming housing units ang mailalaan nito sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong 2025.

Kasunod na rin ito ng naging kauna-unahang turn-over ng 4PH units sa Palayan City para sa overseas Filipino workers (OFWs) noong nakaraang buwan.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, mas maraming 4PH units ang maihahatid sa mga benepisyaryo ngayong taon lalo’t ilang gusali na sa iba’t ibang project sites ang malapit nang makumpleto.

Katunayan, inaasahan nitong sa mga susunod na linggo ay sunud-sunod at tuluy-tuloy na ang turnover ng 4PH units sa mga benepisyaryo.

Sa kasalukuyan, higit 1,000 aplikasyon sa ilalim ng 4PH ang pinoproseso ng Pag-IBIG Fund para sa hindi bababa sa apat na project sites, kabilang na ang mga proyekto sa Palayan City, Bacolod City, at Bocaue sa Bulacan.

Samantala, nasa final phase na rin ang dalawang housing project ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) kabilang ang Crystal Peak Estates sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga, at People’s Ville sa Lungsod ng Davao.

Aabot naman sa 56 ang aktibong proyekto sa ilalim ng 4PH na nasa iba’t ibang yugto ng konstruksyon at pag-develop sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Kaugnay nito, pinaliwanag naman ni Secretary Acuzar na inabot ng dalawang taon bago maisakatuparan ang 4PH projects dahil sa paglipat sa vertical housing o condominium-type developments, at mga pagkaantala sa dokumentasyon mula sa mga pribadong partner. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us