Muling nanindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi nito hahayaan ang sinumang politiko na gamitin ang mga programa ng ahensya kabilang ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) para sa papalapit na halalan.
Iginiit ito ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao matapos aprubahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang hiling na exemption para sa mga programa ng kagawaran kabilang ang AKAP, AICS, 4Ps.
Paliwanag ni Asec. Dumlao, bilang lead implementing agency sa AKAP, tanging ang DSWD lamang ang may kapangyarihan na tumukoy at mag-assess sa mga benepisyaryo, at mamahagi ng tulong pinansyal.
Batay rin aniya sa kautusan ng COMELEC, hindi papayagan ang sinumang kandidato sa eleksyon o politika na manguna sa payout activities ng DSWD.
Hinikayat naman nito ang publiko na agad ipagbigay alam sa DSWD kung may ma-monitor na payout activities ng ahensya na ginagamit sa politika. | ulat ni Merry Ann Bastasa