Epektibo na ngayong enero ang pinalawak na expanded enhanced lifeline program ng MAYNILAD para sa mga kwalipikadong Low-Income Lifeline customer.
Sa ilalim nito, bukod sa dati nang diskwento para sa buwanang konsumo na hanggang 10 cubic meters (cu.m.) ng qualified customers, magkakaroon na rin ng 40% na diskwento para sa konsumo mula 11 hanggang 20 cu.m.
Ayon sa Maynilad, may katumbas ito na tinatayang P157.28 na diskwento para sa buwanang bill na may konsumo na hanggang 10 cum at hanggang P305.76 kung ang konsumo ay aabot ng hanggang 20 cum.
Ang enhanced lifeline program ay alinsunod sa mandato ng MWSS-RO na itaguyod ang consumer welfare, at bigyan ng karagdagang discount ang Residential customers at Residential Bulk accounts na hindi lamang maliit ang konsumo (10 cu.m. pababa kada buwan) kundi ay kabilang din sa maituturing na marginalized sector ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Patuloy namang hinihikayat ang mga kwalipikado na magsumite ng aplikasyon kabilang ang iba pang requirements, sa pinakamalapit na Maynilad Business Area (BA) offices o sa assigned Zone Specialist sa inyong lugar. | ulat ni Merry Ann Bastasa