Malugod na tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapatupad ng Free Trade Agreement (FTA) sa pagitan ng Pilipinas at Republic of Korea na naging epektibo noong ika-31 ng Disyembre 2024.
Ayon sa DFA, ang landmark agreement na ito ay mahalagang hakbang sa patuloy na paglago ng relasyon ng dalawang bansa sang-ayon na rin sa pagtaas ng antas nito sa “Strategic Partnership” noong Oktubre 2024.
Inaasahan ng DFA na lalo pang titibay ang kooperasyong pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at South Korea, gamit ang FTA bilang instrumento para sa mas matatag na ugnayan.
Ang kasunduan ay inaasahang magdadala ng mas maraming oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan na makabubuti sa ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, bibigyan ng Korea ng duty-free access ang mahigit 11,000 produkto ng Pilipinas na nagkakahalaga ng 3.18 bilyong dolyar. | ulat ni EJ Lazaro