Muli na namang nanawagan ang environmental watchdog group na BAN Toxics sa pagiging responsable ng publiko sa pagtatapon ng basura ngayong 2025.
Kasunod ito ng naitalang pagdami ng basura matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon, gayundin ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok.
Ayon sa grupo, maraming tambak ng halo-halong basura ang na-monitor umaga ng January 1 kabilang ang mga tira-tirang pagkain, disposable na lalagyan ng inumin at pagkain, mga itinatapon sa palengke, nabulok na prutas, at mga tirang paputok.
Habang sa ulat naman ng Department of Health (DOH), umabot sa 340 ang fireworks-related injuries mula December 22 hanggang January 1, 2025
Dahil dito, umapela si Thony Dizon, campaign and advocacy officer ng BAN Toxics sa publiko, na makiisa sa zero waste initiative ngayong Bagong Taon.
Nanawagan din ito sa mga kabataaan na iwasan ang paghawak sa mga natitirang paputok, lalo na ang mga hindi pumutok, para maiwasan ang karagdagang aksidente. | ulat ni Merry Ann Bastasa