Tinatayang nasa P3 billion hanggang P8.7 billion ang matitipid ng pamahalaan kung magpapatupad ng rightsizing o aayusin ang mga ahensya ng gobyerno.
Sa ginawang consultative meeting para sa Rightsizing Bill (Senate Bill 890), snabi ni Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Wilford Wong, na ang mage-generate na savings ng gobyerno ay dedepende sa bilang ng government employees na mara-rightsize.
Ayon kay Wong, base sa inisyal na datos kung saan 3 percent ang mara-rightsize ay aabot sa P3 billion ang savings na magagawa ng gobyerno.
Kung 7% naman ay posibleng pumalo sa P8.7 billion ang magiging savings ng pamahalaan.
Gayunpaman, pinunto ni Senate President Chiz Escudero, na hindi pa kumpleto ang datos na ito dahil magkakaroon pa ng gastos ang pamahalaan sa separation pay ng mga empleyado.
Kaugnay nito, magsusumite ang DBM ng updated na computation gayundin ang mga irerekomendang hakbang para sa rightsizing kabilang na ang pagrerebyu ng mandato ng mga ahensya ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion