Tuloy-tuloy na ang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga kalsada sa Maynila ilang araw bago ang pista ng Itim na Nazareno.
Partikular na nililinis ng MMDA Special Operations Group–Strike Force (SOG-SF) ang mga pangunahing kalsada na dadaanan ng Traslacion.
Kahapon umabot sa 104 na sasakyan ang inisyuhan ng violation ticket habang 18 ang dinala sa MMDA Impounding Site sa Tumana, Marikina.
Mula ito sa isinagawang operasyon sa bahagi ng Honorio Lopez Blvd. at Northbay Blvd. dahil sa illegal parking at iba pang traffic violations.
Kanila ding sinuyod ang Finance Road, Carlos Palanca, Quezon Boulevard, at Arlegui Street at inalis ang mga sagabal sa daan.
Nasa 33 sasakyan ang kanilang na-ticketan at 15 sasakyan ang na-tow at dinala sa kanilang impounding site.
Pagtiyak pa ng MMDA na magpapatuloy pa ang ang clearing operations sa iba pang kalsada sa lungsod.| ulat ni Rey Ferrer