House leader, nanawagan para sa dagdag na presensya ng Kapulisan sa Pampanga sa gitna ng banta ng karahasan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Umapela si Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr. kay Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil na paigtingin ang presensya ng Kapulisan sa kanilang lalawigan.

Kasunod ito ng mga pagbabanta ng karahasan, partikular sa kaniyang nasasakupan.

Idinulog ni Gonzales kay Marbil ang natanggap na death threat ng kapitan ng Barangay San Agustin sa San Fernando City.

Nagpasalamat ang House leader sa maagap na tugon ni Marbil, maging ni PNP Provincial Director Col. Jay Dimaandal na kagyat na nagsagawa ng imbestigasyon sa naturang death threat.

Gayunman, nais ni Gonzales na sana’y madagdagan ang pulis sa probinsya ng Pampanga para maiwasan ang anomang karahasan, may kaugnayan man ito sa nalalapit na eleksyon o wala.

Sinabi pa niya na anim na lokal na opisyal na sa lalawigan ang napapatay at ayaw na nilang madagdagan pa ito.

“We wish our communities to be peaceful and violence-free. We don’t want any further harm on any of our local officials and constituents. We have already lost six of them, including three barangay captains in San Fernando City, to assassins,” aniya.

Nababahala ang kongresista na nagpapatuloy ang mga ganitong pagbabanta kahit pa iniimbestigahan na rin sa Kamara ang anim na insidente ng pagkamatay ng local officials na hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas.

“Maybe, this is because these senseless killings, which happened between April 30, 2022 and November 12 last year, have remained unsolved and the suspects are still at large. We in the House will continue to look into these cases,” saad niya.

Apela naman ni Gonzales sa mga kababayan na agad dumulog sa Kapulisan kung may impormasyon tungkol sa naturang mga kaso o anomang pagbabanta sa kanilang mga barangay. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us