Umaapela si House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles kay Pangulong R. Ferdinand Marcos, Jr. na ipasuspinde ang naka ambang pagpapatupad ng Social Security System (SSS) ng contribution hike.
Ito aniya ay para sa proteksyon ng mga manggagawa na mababawasan na naman ang take-home pay.
Giit niya na sa mas mahal na cost of living sa kasalukuyan, malaking dagok ang dagdag-singil na ito dahil mababawasan pa lalo ang kapasidad nilang sustentuhan ang kanilang mga pamilya.
Imbes na taas-singil maaari aniyang atasan ng Pangulo ang SSS na ayusin at gawing episyente muna ang kanilang koleksyonng kontribusyon.
“The SSS should address systemic bottlenecks and gaps first to ensure that our collection efforts are maximized,” saad pa ng mambabatas.
Sabi pa ng Rizal solon, kung wala namang malaking epekto sa pondo ng SSS ang pagpapaliban sa contribution rate increase ay mas maiging pairalin ang pag unawa sa kalagayan ng mga Pilipino.
Mungkahi pa niya, na kung maaari ay gawin na lang utay-utay ang naturang taas sa kontribusyon. | ulat ni Kathleen Forbes