Hinikayat ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda ang Energy Regulatory Commission (ERC) na aralin kung paano maibabalik o maire-refund sa mga consumer ang nasa P21 billion na siningil ng National Grid Corporation (NGCP) mula 2011.
Ang naturang halaga ay bunsod ng pagpapasa o pass-on ng NGCP sa mga customer nang binabayarang 3% franchise tax.
Ayon aky ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, pinag-uusapan pa ng komisyon kung may posibilidad nga ba na mai-refund ang naturang halaga, dahil may inilabas na resolusyon ang dating pamunuan ng ERC na nagpapahintulot sa pass-on charges noong 2011.
Sa ngayon ang kanilang naging hakbang ay ang pagsuspindi sa pass-on charges na naging epektibo noong 2023.
Hirit naman ni Salceda, mayroon nang desisyon ang Korte Suprema noon na nagbabawal sa pagpasa ng public utilities ng kanilang binabayarang buwis bilang operating expenses, partikular dito ang Republic vs. MERALCO.
Samantala, hiniling naman ni APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc, na silipin ng Kamara ang posibleng legal na pananagutan ng mga dating commissioner ng ERC na nagpahintulot na ipasa ng NGCP ang kanilang 3% franchise tax sa mga consumer.
Aniya, hindi naman maaaring ipasa na lang ang sisi sa NGCP gayong sumunod lang naman ito sa resolusyong inilabas ng dating pamunuan ng ERC noong 2011. | ulat ni Kathleen Forbes