Ilang mambabatas ang sumang-ayon sa posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kulang na sa panahon para talakayin ang impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
Matatandaan na sa isang ambush interview sa Leyte, sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na hindi na praktikal ang timing ng reklamo lalo at nalalapit na ang eleksyon.
Ayon kay Dangerous Drugs Committee Chair Robert Ace Barbers, dapat pagnilayan ng bawat miyembro ng Kamara ang pahayag ng Pangulo.
Sa personal kasi niyang pananaw, maituturing itong polisiya ng Chief Executive.
“Tingin ko it’s a policy na dapat pagnilayan ng bawat miyembro. Tingnan ng mga gustong mag-endorso, pag-aralan din iyan, pag-isipang mabuti. Para sa akin it is a policy,” sabi niya sa isang panayam.
Maging si Human Rights Committee Chair Benny Abante, sinabi na kapos na ang oras para talakayin ang impeachment ngayong 19th Congress.
Ilang session days na lang din aniya ang natitira at hindi pa naita-transmit ng Office of the Secretary General ang mga reklamo sa Office of the Speaker para aksyunan.
“I’ve said before that I don’t think we’re ready for that yet…In reality, though, there’s no time left…And it’s not just that, it’s already campaign season the elections are near, and then it will be transmitted to the Senate. And we’re not even sure if the Senate will take it up,” paliwanag ni Abante.
Hindi naman aniya siya tutol sa reklamo ngunit maaaring mas mainam na sa 20th Congress na ito ipaubaya.
Si Good Government Committee Chair Joel Chua, na nag-imbestiga sa ilang anomalya sa Office of the Vice President (OVP) at Derpartment of Education (DepEd), naniniwala rin na hindi na sapat ang panahon para gumulong ang impeachment complaints.
Magiging abala na kasi sa kampanya ang mga mambabatas.
Katunayan, kahit aniya ang susunod na pagdinig ng kanilang komite sa iba pang isyu sa OVP at DepEd ay maaaring mahirapan nang makakuha ng quorum.
“By February national campaign will kick in. Congress will go on a recess. Congressmen will be busy campaigning in their respective districts…I do not know once the campaign period starts if I will still be able to muster a quorum,” ani Chua. | ulat ni Kathleen Forbes