Kinumpirma ng Philippine Navy na may natanggap silang ulat tungkol sa posibleng ika-6 na underwater drone o glider na nakita sa karagatang sakop ng Bohol.
Ito’y matapos mag-viral sa social media ang naturang underwater drone na kulay silver at pula na namataang palutang-lutang subalit hindi kinuha ng mga nakakitang mangingisda dahil sa takot.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, magandang makuha nila ang naturang drone para isailalim sa forensic investigation.
Hindi kasi gaya ng nakuha sa Masbate na kulay dilaw, malaki ang tsansa na ginagamit sa military application ang isang glider na nakita sa Bohol.
Kaya naman nanawagan si Trindad sa publiko partikular na sa mga mangingisda na huwag matakot at ituro agad sa mga awtoridad kung may makikitang ganoong uri ng kagamitan sa dagat. | ulat ni Jaymark Dagala