Nagpahayag ng pag-aalala ang TRABAHO Party-list kaugnay ng mga ulat na hindi nakolekta ng Social Security System (SSS) na mahigit P89.1 bilyon, mula sa 420,767 na delinquent na negosyante at household employer hanggang sa pagtatapos ng taong 2023.
Ang impormasyong ito ay inilabas sa isang ulat mula sa Commission on Audit (COA), na nagbigay-diin sa mga isyu ukol sa kahusayan at bisa ng pangunahing ahensya ng social security ng bansa.
Ayon kay Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Party-list, ang mga hindi nakolektang pondo ay maaari sanang nakatulong sa pagbibigay ng mga benepisyo sa milyon-milyong miyembro at pensionado ng SSS, na umaasa sa mga benepisyo ng ahensya lalo na sa mga oras ng sakit, pagkawala ng trabaho, at pagtanda.
Nanawagan ang party-list sa ahensya na magpaliwanag ukol sa mga pagkukulang na ito at magsagawa ng agarang hakbang upang makolekta ang mga nasabing pondo. Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagpapatupad ng mas transparent at agresibong estratehiya sa pagkolekta ng mga hindi nabayarang kontribusyon.
Ayon pa kay Atty. Espiritu, kailangang palakasin ng gobyerno ang mga parusa para sa mga delinquent na employer at pagbutihin ang mga sistema ng monitoring, upang matiyak na ang lahat ng miyembro ay nag-aambag ng tamang bahagi.
Dagdag pa ni Atty. Espiritu, kinakailangang tutukan ang isyung ito lalo na’t nagpaplanong magpatupad ng pagtaas sa kontribusyon para sa bagong taon upang masiguro ang katatagan ng social security system.
Sa harap ng patuloy na mga hamon sa ekonomiya, lalong nagiging mahalaga ang isyu ng hindi nakolektang kontribusyon ng SSS lalo na’t ang mga manggagawa at retirado ay patuloy na umaasa sa mga pondo ng ahensya upang suportahan ang kanilang pamilya at kabuhayan.
Tiniyak ni Atty. Espiritu, na ang TRABAHO Party-list ay patuloy na magsusulong para sa proteksyon ng mga karapatan ng mga manggagawang Pilipino, at upang matiyak na ang kanilang mga kontribusyon ay wastong pinamamahalaan para sa kanilang kapakinabangan. | ulat ni Lorenz Tanjoco