Hindi pa man lumulusot sa Senado ang kontrobersyal na Senate Bill 1979, para sa pagkakaroon ng Comprehensive Sexual Education (CSE) sa curriculum ng mga mag-aaral, ipinangako na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad ivi-veto ang panukala sa oras na makarating pa ito sa kaniyang tanggapan.
Ito ayon sa Pangulo ay dahil hindi katanggap-tanggap ang nilalaman ng Teenage Pregnancy Prevention Bill.
“And I was shocked and I was appalled by some of the elements of that. All this woke that they are trying to bring into our system. You will teach four year olds how to masturbate. That every child has the right to try different sexualities. This is ridiculous, this is abhorrent. This is a travesty of what sex education should be to the children.” -Pangulong Marcos Jr.
Pagbibigay diin ng Pangulo, kung ang mga ganitong detalye na sobra na o hindi na angkop, at masyado pang maaga para sa kamalayan ng mga bata, siya na mismo ang haharang dito.
Ngayon pa lamang aniya, makaaasa na ang mga magulang, mga guro, at maging ang mga mag-aaral na hindi niya hahayaang maging batas ito.
“Iyung mga sinama nila na woke na absurdities are abhorrent to me. And I am already guaranteeing, hindi pa napasa ito, pero if this bill is passed in that form, I guarantee all parents, teachers, and children, I will immediately veto it.” —Pangulong Marcos
Pagbibigay diin ng Pangulo, nananatili ang kaniyang suporta sa pagkakaroon ng sex education sa aralin ng mga estudyante, ngunit dapat ay iyong mga age-appropriate information tulad ng mga itinuturo naman na talaga sa paaralan.
Kabilang aniya dito ang anatomy ng babae at lalaki, reproductive system, pag-iwas sa early pregnancy, at maging sa HIV.
“I still believe that sex education in terms of teaching kids anatomy, of the reproductive systems of males and females is extremely important. Consequences of early pregnancy. The prevalence of HIV. Kailangan ituro lahat yan para alam ng mga kabataan.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan