Pinapurihan ng Department of Finance (DOF) ang Land Bank of the Philippines (LANDBANK) at Development Bank of the Philippines (DBP) dahil sa kanilang matatag na kalagayang pinansyal na nagbibigay-daan upang mas mapalawak ang serbisyo para sa mga Pilipino.
Ang dalawang state bank ay patuloy na nakakatugon at lumalagpas sa minimum na pamantayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) pagdating sa Capital Adequacy Ratio, na isang mahalagang sukatan ng kalusugan ng pananalapi.
Sa pagtatapos ng Nobyembre 2024, nananatiling nasa 16.42% ang CAR ng LANDBANK at 14.78% naman ang sa DBP—malayo sa 10% regulatory threshold.
Ipinapakita nito ang kanilang tibay laban sa mga panganib sa pananalapi at operasyon.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto ang matatag na kalagayang pinansyal ng LANDBANK at DBP ay patunay ng kanilang mahalagang papel sa pag-unlad ng bansa.
Anya dahil dito, naipagpapatuloy nila ang maingat na pamamahala ng pananalapi at nagagamit nang epektibo ang kanilang mga mapagkukunan para suportahan ang mga Pilipino, lalo na sa mga sektor tulad ng imprastruktura, agrikultura, pangingisda, at maliliit na negosyo. | ulat ni Melany Reyes