Naglabas ng abiso si Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte para sa mga local government unit (LGUs) na maghanda kaugnay ng posibleng epekto ng shear line sa lalawigan.
Sa memorandum na pirmado ni Villafuerte, inatasan ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMC) na magsagawa ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan lalo na sa mga lugar na maaaring magkaroon ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Hikayatin din umano ang mga residente na ihanda ang kanilang mga emergency kit, at iwasan ang ano mang hindi mahalagang pagbiyahe tuwing malakas ang pag-ulan.
Pinasisiguro rin na walang mga nakabara sa daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbabaha.
Iniutos din ang paglalagay ng mga rescue team sa strategic locations para sa mas mabilis na deployment.
Inaasahan na simula ngayong January 9 hanggang sa January 11, 2025 ay posibleng makaranas ng malakas na pag-uulan sa Camarines Sur dulot ng Shear Line. | ulat ni Vanessa Nieva, Radyo Pilipinas Naga
Photo: Gov. Luigi Villafuerte