Ipinaabot ni Speaker Martin Romualdez ang taos-pusong pagbati sa milyon-milyong deboto ng Poong Jesus Nazareno sa taunang pagdiriwang ng kapistahan nito.
Aniya ang Pista ng Jesus Nazareno ay simbolo ng malalim na pananampalataya ng bawat Pilipino.
Giit niya na ang pagdiriwang ay higit pa sa isang relihiyosong ritwal kundi isang makapangyarihang simbolo ng pananampalataya at pagkakaisa.
“Ang taunang Traslacion ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pananalig at pagkakaisa bilang isang sambayanan. Ang debosyon na ito ay sumasalamin sa tibay at tapang ng ating pananampalataya,” saad ni Romualdez.
Kinilala rin ng mambabatas ang sakripisyo ng bawat deboto, kung saan marami ang naglalaan ng buong taon ng paghahanda bilang pagpapakita ng pasasalamat at pag-asa.
Umaasa naman ang lider ng Kamara na magiging ligtas, maayos, at puno ng pagkakaisa ang selebrasyon ngayong taon.
Paalala pa niya sa bawat deboto na panatilihin ang disiplina at tiyakin ang isang mapayapang pagdiriwang, pati na rin ang pangangalaga sa kalikasan.
Pinasalamatan din niya ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan ng Maynila at mga opisyal ng simbahan para sa paghahanda sa taunang kapistahan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes