Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) ang mga lugar sa buong bansa na kabilang sa ‘areas of concern’ para sa darating sa Eleksyon 2025.
May apat na kategorya ang areas of concern kabilang dito ang green category, yellow catergory, orange category, at red category.
Batay sa listahan ng Comelec, nasa 403 ang mga lugar na isasailalim sa areas of concern o nasa yellow, orange, at red category kung saan nakapagtala ng election-related incident.
Sa bilang na ito, 38 ang nasa red category o mga lugar na mayroong serysosong armed threat.
Karamihan sa lugar na ito ay nasa BARMM, Region 2, Region 5, at Region 8.
Habang nasa 1,239 naman ang nasa green category o mga lugar na walang security concern.
Sa isinagawang pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Comelec Chairperson Erwin Garcia, na magandang indikasyon na mas naraming lugar sa bansa ang nasa green category.
Inaasahan namang mababago pa ang listahan ng ‘areas of concern’ dahil magsisimula pa lang ang kampanya. | ulat ni Diane Lear