Umabot na sa 526 ang mga pasyenteng nabigyan ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa kasagsagan ng Traslacion 2025.
Sa ulat ng PRC as of 4:00 PM, umabot na sa 223 ang kinuhanan sa vital signs, 267 ang minor cases, walo ang major cases, at 15 pasyente ang dinala sa ospital.
Kabilang sa mga naitalang kaso ang pananakit ng ulo, at sore throat para sa minor cases, habang ang major cases ay kinabibilangan ng pagkahilo, pananakit ng dibdib, at panghihina ng katawan.
Bukod sa serbisyong medikal, nakapagbigay din ang PRC ng welfare assistance sa 115 indibidwal, kabilang ang 64 na indibidwal na tumanggap ng psychosocial first aid, apat na tracing services, 41 referral cases, at anim na free calls.
Nabatid na mahigit 1,000 volunteers at staff ng PRC ang nakadeploy sa Maynila kasama ang 31 foot patrol units at 20 ambulansya.
Mayroon ding 18 first aid stations at welfare desks upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto. | ulat ni Diane Lear