Pananagutin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang dating garbage collector na Leonel Waste Management Corporation matapos abandonahin nito ang tungkulin sa kasagsagan ng holiday season.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, tumaas ng 400% ang dami ng basura sa lungsod nitong Pasko at Bagong Taon pero ayon sa Mayora, biglaang inabandona ng dating contractor ang trabaho nito na nagdulot ng matinding problema sa basura.
Kaya naman pananagutin ni Mayor Lacuna ang nasabing contractor sa kanilang kapabayaan, at hindi nila ito palalampasin.
Kasalukuyang dalawang kumpanya na ang humahakot ng basura sa Maynila—ang MetroWaste at PhilEco Systems Corporation at inatasang magsagawa ng 24/7 na operasyon.
Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PhilEco sa City Hall upang matugunan ang problema sa mga baradong kalsada na nagdudulot ng pagkaantala sa kanilang operasyon sa mga pamilihan at pangunahing lansangan.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga residente na maaaring mag-report ng mga hindi nakolektang basura sa mga hotline ng Department of Public Services at Task Force Against Road Obstruction. | ulat ni EJ Lazaro