Hinihikayat ni Manila Mayoralty Candidate Raymond Bagatsing ang mga kapwa niya kandidato na sina Mayor Honey Lacuna Pangan at Isko Moreno na itigil na ang palitan ng mga batuhan ng putik.
Ang apela ay ginawa ni Bagatsing, matapos ang kanyang pagdalo sa isang misa sa Archdiocesan Shrine of Sto. Nino de Tondo Maynila.
Si Bagatsing ay sumama rin sa Lakbayaw Festival kung saan naglakad sa paikot na sakop ng Tondo Church.
Ayon sa aktor, laging talo ang mga Manileno dahil wala naman silang naihahatid na maayos na plataporma kung papaanong pagagandahin ang Maynila.
Halos naubos din daw ang oras ng dalawa sa batuhan ng putik at nakalimutan na ang tunay na kahulugan ng Public service.
Dahil dito, sakaling siya ang maging alkalde ng Maynila, agad niyang uunahin ang paglilinis ng buong lungsod, tamang paggastos sa pera ng City Hall, paglikha ng dagdag na trabaho sa mga Manileno at maayos na serbisyong pangkalusugan.
Si Bagatsing ay kumakandidatong alkalde ng Maynila sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. | ulat ni Micheal Rogas