Nagpaliwanag ang Department of Agriculture (DA) sa nananatiling mataas na presyo ngayon ng kamatis sa ilang pamilihan.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, nagkaroon ng malaking pagbaba sa produksyon ng kamatis dahil sa mga sunod-sunod na bagyo noong huling quarter ng 2024.
Katunayan, hanggang 45% aniya ang ibinaba sa volume ng produksyon ng kamatis kaya nagresulta ito sa mas mababa rin ngayong suplay.
Inaasahan naman ng kagawaran na bababa rin ang presyo ng kamatis sa huling bahagi ng enero o sa unang bahagi ng pebrero kung saan babalik na rin ang produksyon ng kamatis.
Sa monitoring ng DA Bantay Presyo, umaabot ngayon sa ₱200 hanggang ₱350 ang kada kilo ng kamatis sa mga pamilihan sa Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa