Patuloy ang dagsa ng mga deboto ng Poong Nazareno sa Simbahan ng Quiapo, ngayong unang Linggo ng taon, ilang araw bago ang Kapistahan sa Enero 9.
Sa kabila ito ng tirik ng araw at siksikan, lalo na tuwing pagtatapos ng misa, kung saan nagbabasbas sa loob at labas ng simbahan, di alintana ng mga deboto ang pagod sa pagdalo sa mga misa at pagdarasal sa mahal na Hesus Nazareno.
Inaasahan naman ang pagdami ng mga tao habang papalapit ang araw ng Traslacion, kaya ilang paalala na rin ang inilabas ng Simbahan ng Quiapo sa mga magpupunta hanggang sa araw ng Pista.
Ilang deboto rin ang sinamantala ang araw na ito kaysa makipagsiksikan sa araw ng Huwebes, dala ang mga panalangin at pasasalamat sa Poong Nazareno.
Kasabay nito, sinamantala naman ng mga nagtitinda ang dagsa ng mga tao. Mula sa pagkain, kandila, at mga panalangin, kanya-kanyang paraan ng pagkita ang mga tindero’t tindera sa paligid ng simbahan.
Pero sa kabila nang pagdami ng mga tao, hindi pa nila umano ramdam masiyado ang kita ngayong araw.
Samantala, simula kaninang umaga ay ramdam na ang pagsisikip ng trapiko sa mga kalsada malapit sa Quiapo, partikular sa Quezon Blvd. Sa mga motorista na hindi maiiwasang dumaan sa lugar, pinapayuhan na magbaon ng dagdag na pasensya, planuhin nang maaga ang biyahe, at maghanap ng alternatibong ruta patungo sa inyong destinasyon. | ulat ni EJ Lazaro