Iba’t ibang paninda na may nakaimprentang mukha ng Nazareno ang nagkalat rin sa bahagi ng Morayta sa Maynila kung saan maraming deboto ang naglalakad patungong Quiapo Church.
Kabilang sa mabenta rito ang mga bimpo at panyo na kadalasang ipinapahid ng mga deboto sa imahen ng Hesus Nazareno.
Pinaniniwalaan itong may dalang milagro at pagpapala mula sa Poong Nazareno.
Sa pwesto ni Mang Rolando, ₱20 ang kada piraso ng good morning towel na may nakaimprentang mukha ng Nazareno.
Mayroon ding dilaw na panyo na may nakasulat pang mga dasal na ibinebenta naman ng ₱35 kada piraso.
Mabenta rin ang mga headband na itinatali sa ulo ng mga deboto. Iba ibang mensahe rin ang nakasulat sa mga ito, may ‘Black Nazarene,’ ‘Viva Nazareno,’ at mayroon pang ‘Batang Quiapo.’ Ibinebenta naman ito sa halagang ₱35 kada piraso.
Samantala, may ilang tauhan ng PNP Highway Patrol Group at Manila Police District ang nakabantay sa bahagi ng Morayta habang tuloy-tuloy ang dating ng mga deboto ng Itim na Nazareno. | ulat ni Merry Ann Bastasa