Muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang pagiging technology-driven, propesyunal at apolitical ng buong hanay nito para itaguyod ang Saligang Batas gayundin ang kaayusan at kapayapaan sa bagong taon.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil sa kaniyang mensahe para sa mga Pilipino kasabay ng pagpasok ng taong 2025.
Sinabi ni Marbil na kailangang makasunod ang mga Pulis sa nagbabagong demand sa pagpapatupad ng batas sa makabagong panahon.
Muli ring siniguro ni Marbil sa mga Pilipino na kanila pang pagbubutihin ang mga ginagawang inisyatiba nito para protektahan ang buhay, bantayan ang mga ari-arian, at ipatupad ang rule of law.
Giit pa ng PNP chief na hangad niya ang pagkakaroon ng isang modernong puwersa ng Pulisya para sa Bagong Pilipinas na mabilis, maaasahan, propesyunal, at kayang makasabay sa takbo ng panahon. | ulat ni Jaymark Dagala