Sa layuning mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang lahat ng palabas, nakapag-rebyu ng mahigit 267,000 na materyal ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa nagdaang 2024.
Mas mataas ito kumpara sa 255,220 noong 2023 at 230,280 noong 2022.
Kabilang dito ang 264,424 na mga materyal para sa telebisyon, 592 pelikula, 549 movie trailers at 1,525 publicity at optical media na isinabmit ng mga producer at istasyon para mabigyan ng angkop na klasipikasyon.
Sa halos 600 na pelikula, 30 dito ay rated G (angkop para sa lahat ng manonood), 298 rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang), 251 ang R-rated, habang 13 ang na-X o hindi pinayagang maipalabas sa mga sinehan.
Bagamat limitado lamang ang kakayahan at kagamitan ng Ahensya, ang bilang ng mga narebyu ng Board ngayong taon ay sumasalamin sa dedikasyon na matiyak na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang lahat ng materyal sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng industriya ng paglikha dahil sa teknolohiya.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, ang lahat ng isinabmit sa Board ay nabigyan ng “age-appropriate ratings” habang balanseng tinitiyak na may malayang pagpapahayag at pagprotekta sa manonood.
“Ang malaking bilang ng mga narebyu ngayong 2024 ay sumasalamin sa aming mandato at responsibilidad na masabayan ang lumalagong industriya ng pelikula at telebisyon at matiyak na nakalinya ang mga palabas sa umiiral na batas at pamantayan,” sabi ni Sotto-Antonio.
Nagpasalamat din si Sotto-Antonio sa 30 Board Members dahil sa hindi matatawarang trabaho at pagiging propesyunal upang bigyan ng angkop na klasipikasyon at masiguro na ligtas ang mga materyal bago ito mapasapubliko.
Muling tiniyak ni Sotto-Antonio na sa 2025 ay mas pagbubutihin pa ng Ahensya ang trabaho nito at patuloy na magiging kaagapay ng industriya ng paglikha at ng pamilyang Pilipino tungo sa responsableng panonood at paglikha. | ulat ni Melany Reyes